-- Advertisements --

IMG 2e2fee152fbc73079e5038c186707d0f V 1

Pinuna ng ilang mambabatas ang mababa at matipid na paggasta ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa kanilang confidential funds.

Sa budget deliberation ng House Committee on Appropriations ngayong araw kung saan naka salang ang PCSO, kinuwestiyon ni Surigao Del Norte Representative Ace Barbers ang matipid na paggasta ng ahensita sa kanilang confidential funds para labanan ang illegal gambling activities sa bansa.

Ayon kay PCSO Assistant General Manager Lauro Patiag nasa P100 million pesos ang kanilang confidential funds sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act.

Dismayado si Barbers na P25 million pesos pa lamang ang nagagastos ng PCSO ngayong taon para sa surveillance ng mga ilegal na operasyon ng jueteng at “bookies”.

Hindi naman masagot ng ahensiya ang tanong ng mga mambabatas kung paano ginagastos ang kanilang confidential fund.

Dahil dito pinagsusumite ng written report sa Komite ang PCSO ukol dito.

Sa kabilang dako, aminado ang PCSO na talamak pa rin ang ilegal na sugal sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Inihayag ni Patiag, na walang police power ang PCSO para hulihin ang mga sangkot sa jueteng at bookies kaya nakikipag-ugnayan sila sa PNP at NBI.