-- Advertisements --

Dinipensa ng House prosecution ang maaga nilang hiling  sa impeachment court ang subpoena para sa tax returns at bank records ni Vice President Sara Duterte upang maiwasan ang pagkaantala ng paglilitis.

Ayon kay prosecution spokesperson Atty. Jay Tolosa, gagamitin ang mga dokumento bilang ebidensya sa “Article II” ng impeachment complaint na tumatalakay sa umano’y unexplained wealth, na huling tatalakayin sa paglilitis.

Dagdag ni Tolosa, inaasahan na nilang kokontrahin ng depensa ang kahilingan kaya maaga nilang inihain ang subpoena upang maging tuloy-tuloy ang presentasyon ng ebidensya.

Sinabi naman ni Rep. Zia Adiong na mahalagang mabigyan ng sapat na panahon ang mga senator-judges upang suriin ang mga dokumento dahil marami at teknikal ang mga ito.

Ayon sa prosekusyon, kabilang sa mga ebidensyang ihaharap ang mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), records ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), Bureau of Internal Revenue (BIR), mga bank records, at testimonya ng mga saksi.