Target ng Local Water Utilities Administration (LWUA) na makapagbigay ng potable water sa hanggang 7.2million na pamilya o katumbas ng 29million katao bago matapos ang termino ni PBBM sa 2028.
Ayon kay LWUA Administrator Vicente Homer Revil, bahagi ito ng kanilang planong matugunan ang pangangailangan ng maraming mga Pilipino para sa malinis at ligtas na inuming tubig.
Upang magawa ito, taget ng naturang government-owned and -controlled corporation, na mapalaki pa lalo ang operasyon nito sa hanggang 532 water district sa labas ng Metro Manila.
Naniniwala naman ang opisyal na kayang-kaya itong gawin ng naturang opisina, lalo na at nakapaloob ito sa kanilang pangunahing proyekto na ‘Patubig sa Buong Bayan at Mamamayan’.
Sa ilalim ng naturang proyekto, target ng ahensiya na makapagpatayo ng hanggang 700 water supply at 40 na water sanitation project.
Ayon kay Revil, kailangan ding mai-allign ang iba pang proyekto ng pamahalaan upang makatugon sa pangangailangan ng bansa sa malinis na tubig.
Batay kasi sa datus ng naturang opisina, nasa 11million na kabahayan ang walang mapagkukunan ng malinis na tubig kung saan karamihan sa kanila ay kumukuha lamang sa kung saan-saan.