BAGUIO CITY – Isinusulong na sa Baguio City ang pagsisimula ng tinatawag na survival gardens kasabay ng nagpapatuloy na enhanced community quarantine sa Luzon dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, sinabi ni City Veterinary and Agricultural Office head Dr. Brigit Piok na nagbibigay sila ng mga repacked vegetable seeds sa mga indibidwal at barangay para sa survival gardens ng mga ito.

survival garden 2

Aniya, bahagi ito ng emergency response ng lokal na pamahalaan sa krisis na dulot ng nasabing sakit.

Puntirya aniya ng proyekto na mapanatili ang suplay ng mga gulay sa mga susunod pang buwan sa mga barangay at tahanan na may mga espasyo ng lupa na puwedeng taniman at may mga container, rooftop at vertical gardens.

Paliwanag ni Dr. Piok, dahil sa lockdown ay apektado ang pagbigay ng mga low income daily wage earners at mga mahihirap sa araw-araw na pangangailangan ng pamilya ng mga ito lalo na sa pagkain.

Aniya, ang mga vegetable seeds na kanilang ipinapamahagi ay mga short-season crops gaya ng okra, pole beans, spinach, talong, pechay, garden pea, sitaw at iba pa, kung saan maaaring maani ang mga ito matapos ng dalawang buwan.

Sinabi pa ng city veterinarian na nabigyan na ang 16 identified agricultural barangays ng Baguio.

Ituturo rin aniya ng City Agriculturist ang tamang paggamit ng pataba, tamang pagtanim at pag-alaga sa mga gulay.

Kung maaalala, March 17 ng hatinggabi nang maging epektibo ang lockdown sa buong Luzon alinsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.