-- Advertisements --

Pinaplantsa na ng lungsod ng Pasay ang pagtatayo ng mga modernized public hospitals para makapaghatid ng high-quality at abot-kayang healthcare services sa mga residente ng nasabing lugar.

Sinabi ni Mayor Emi Calixto-Rubiano na ang mga bagong ospital na kanilang itatayo ay makakatulong upang tugunan ang dumadaming kaso ng mga indibidwal na may comorbidities.

Bago pa raw maranasan ng Pasay ang surge sa COVID-19 cases ay pinaplano na nito na magtayo ng mga bagong pampublikong ospital kung saan maaaring gamitin ng mga residente ang kanilang health card na ibinigay ng lungsod.

Target din aniya ng lungsod na madagdagan pa ang treatment capacity sa Pasay City General Hospital, ang nag-iisang pampublikong ospital sa Pasay.

Inaalam pa raw ng lokal na pamahalaan ang lugar kung saan itatayo ang nasabing bagong ospital.

Aminado kasi ang alkalde na maliit lang ang Pasay pero maraming nakatira rito kung kaya’t nahihirapan silang maghanap ng tamang lugar na pagtatayuan ng public hospital.

Sa kasalukuyan ay bumaba na ng 499 ang naitatalang kaso ng nakamamatay na virus sa Pasay City mula sa 2,000 kaso kada araw noong Pebrero.