Dinagdagan ng Lung Center of the Philippines ng tatlong kwarto ang kanilang emergency rooms sa harap ng patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases.
Ayon kay LCP spokesperson Dr. Norberto Francisco, nais kasi nilang mapanatili na bukas kahit ang isa sa kanilang mga emergency rooms para sa “clean cases” o iyong walang kaugnayan sa COVID-19.
Dinagdagan aniya nila ang bilang ng kanilang emergency rooms kasunod nang paglalabas nang advisory kung saan sinabi nilang 200% na ng kanilang kapasidad ang nagagamit.
Punong-puno na aniya ang kanilang ospital sa nakalipas na dalawang linggo.
Sa ngayon, wala na munang consultations sa ospital dahil kailangan ng kanilang mga empleyado na alagaan iyong mga nangangailangan ng immediate treatement.
Subalit sa kabila nito, sinabi naman ni Francisco na bukas pa rin naman ang kanilang telemedicine.