Kasabay ng pagtutok ng gobyerno sa modernisasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), buong puwersang sumusuporta ang Bureau of Immigration (BI) sa mga repormang layong gawing world-class ang serbisyo sa paliparan — hindi lamang para sa mga pasahero, kundi para rin sa mga dedikadong immigration personnel.
Kaugnay nito ay pormal na lumagda ng kasunduan ang BI kasama ang Department of Transportation (DOTr) at Manila International Airport Authority (MIAA).
Ang kasunduang ito ay nakatuon sa tatlong pangunahing layunin: dagdagan ang manpower, palawakin ang deployment ng e-gates para sa mas mabilis na proseso, at tiyakin ang mas makatarungang benepisyo para sa mga opisyal ng BI.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang hakbang na ito ay diretsong tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing episyente, moderno, at globally competitive ang serbisyo sa mga pangunahing paliparan ng bansa.
Kabilang sa mga agarang reporma ang pagdaragdag ng Immigration officers sa mga kilalang choke points, lalo na tuwing peak hours, upang masigurong mabilis ang daloy ng mga pasahero.
Kasabay nito, paiigtingin pa ang paggamit ng e-gates — teknolohiyang nagpapabilis ng immigration process gamit ang automated verification.