-- Advertisements --

Malabong mabuo bilang bagyo ang low pressure area (LPA) na namataan sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa sunod na 24 oras, ayon sa state weather bureau.

Base sa monitoring ng weather bureau, kaninang alas-8:00 ng umaga, namataan ng LPA sa layong 70 kilometers silangan ng Calapan City, Oriental Mindoro.

Subalit maaari aniyang magdala ng maulap na papawirin ang weather system na may kalat-kalat na rain showers at thunderstorms sa Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Zambales, Bataan, Pampanga at Bulacan.

Ibinabala din sa mga residente sa nasabing mga lugar na posibleng makaranas ng mga pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang sa paminsan-minsang mabibigat na pag-ulan.

Inaasahan naman na makakaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms ang mga lugar sa Isabela, Quirino at Aurora dahil sa easterlies.

Maaari ding magdala ang naturang weather system ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may isolated rain showers o thunderstorms sa Visayas at Mindanao kayat ibinabala din sa mga residente dito na mag-ingat sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng katamtaman hanggang sa mabibigat na pag-ulan.

Sa nalalabing parte naman ng Luzon, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dahil sa localized thunderstorms.