Umani ng suporta sa mga mambabatas mula sa Senado hanggang sa Kamara ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa mga online gambling na tuma-target sa mga kabataan.
Ito ay makaraang maglabasan ang mga reklamo ng mga magulang, kung saan nalululong ang mga menor de edad nilang anak, lalo’t nakaka-access sila sa mga online sugalan sa pamamagitan ng social media accounts.
Batay sa Senate Resolution 963 ni Sen. Lito Lapid, sinabi ng senador na bagama’t kinikilala nila ang nakukuhang kita ng gobyerno sa online gambling, higit pa ring mahalaga ang kapakanan ng mga batang posibleng mapahamak, kung ito ay pababayaan.
Para kay Lapid, importanteng marendahan ang operasyon ng mga gaming applications, para maiwasan ang mas malalang problema sa panig ng dumaraming nabibiktima ng gambling addiction.
Sa panig naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri, mahalaga ang mga ganitong pagsisiyasat upang mabatid ang angkop na batas na maaaring mabalangkas para sa kapakanan ng mga kabataan. (With reports from Bombo Dennis Jamito)