-- Advertisements --

Pumapalo sa P21.3 billion ang nawawala sa transportation sector kada buwan dahil sa suspensyon ng kanilang operasyon sa kasagsagan ng quarantine period.

Sa isang virtual hearing sa Kamara, sinabi ni House Committee on Economic Affairs chairman Sharon Garin na isa sa mga pinaka-apektado ng COVID-19 pandemic ang land transportation sector.

Aminado si Garin na kahit tuluyan nang alisin ng pamahalaan ang lockdown ay wala pa rin gaanong mga pasahero dahil takot pa rin aniya ang mga ito na lumabas ng kanilang bahay dahil pa rin sa banta ng COVID-19.

Bukod sa land transportation, umaaray na rin aniya sa ngayon ang airline industry, na nakapagtala na ng 1,354 percent loss.

Kung noong 2019 ay pumapalo aniya sa 61,000 ang flights, ngayong 2020 ay hindi pa ito umaabot sa kalahati makalipas ang pitong buwan.

Dahil dito, sa humigit kumulang 13,000 na kabuuang empleyado ng Philippine Airlines, Cebu Pacific at Air Asia ay bumaba na lamang sa 2,500.

Kailangan aniyang masolusyunan ang mga problemang ito sa lalong madaling panahon.

Mababatid na sa inaprubahang P1.3-trillion Accelerated Recovery and Investments Stimulus for the Economy (ARISE) ng Kamara, na iniakda nina Garin kasama sina Albay Rep. Joey Salceda at Marikina Rep. Stella Quimbo, pinaglalaananan ng P70 billion na subsidiya ang DOTr bilang tulong sa transportation industry.