-- Advertisements --
DOT Sec. Bernadette Romulo Puyat TTRWeekly
IMAGE | Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat

MANILA – Tinatayang P400-billion “potential revenue” o kita mula sa mga dayuhang turista ang nalugi ng Pilipinas dahil sa COVID-19 pandemic.

Ito ang inamin ni Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat sa gitna ng inaasahan pa raw na mas malaking kalugian ng sektor mula sa domestic tourists.

Ayon sa kalihim, mas malaki ang kinikita ng bansa mula sa mga turista na nandito sa Pilipinas kumpara sa mga dayuhan.

“Ang masakit noon, this is only for international tourists. ‘Di pa nakasulat doon yung domestic tourism. ‘Yun lang ang nawala sa atin because of the travel restrictions from all over the world,” ani Puyat sa interview ng TeleRadyo.

Nakapagtala ang Department of Tourism ng halos 84% na pagbagsak sa bilang ng tourist arrivals noong nakaraang taon.

Bunga ito ng pagsasara ng bansa ng borders para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

Batay sa datos ng DOT, tinatayang P81.40-billion lang ang kinita ng tourism sector sa kabuuan ng 2020.

Higit itong mababa kumpara sa P548.8-billion na inbound tourism expenditure noong 2019, ayon sa Philippine Statistics Authority.