Isiniwalat ni Sen. Panfilo Lacson na hindi lang dahil sa smuggling at misdeclaration ng mga karneng baboy ang dahilan kung bakit nalulugi ang pamahalaan.
Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee of the Whole kaugnay ng paksa tungkol sa food security issues, partikular na ang kontrobersyal na utos ng Malacañang na bawasan ang taripa at taasan ang volume ng pork importations sa bansa, sinabi ng senador na nalulugi ang Pilipinas ng halos P1.85 billion kada taon.
Ito raw ay dahil sa hindi pagdedeklara at smuggling ng mga isda at iba pang lamang dagat simula noong 2015 hanggang 2020.
Inilabas din ni Lacson ang hindi parehong datos sa mga pumapasok na isda at seafoods sa bansa.
Mayroon aniyang nawawala na 20 million kilos ng mga imported na isda at seafoods na dumadating sa Pilipinas mula sa 15 bansa batay sa datos ng World Trade Organization at Philippine Statistics Authority (PSA).
Aabot naman ng P20.9 billion ang diperensya sa records ng mga imported na isada at seafoods na pumasok sa bansa sa parehong taon.
Ibig sabihin lang nito ay nalulugi ang Pilipinas dahil sa smuggling at misdeclaration.
Dagdag pa ni Lacson na maaaring maulit ang parehong pattern sa pag-import ng mga gulay, bawang at iba pang produktong pang-agrikultura kung hindi pa ito mawawakasan.
Dahil aniya sa mga ganitong uri ng tiwaling gawain ay nawawalan ng kabuhayan ang mga maliliit na magsasaka sa bansa.
Nangako naman ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na iimbestigahan nila ang naging rebelasyon ni Lacson.