-- Advertisements --

Ibinunyag ni House Committee on Justice member Rep. Terry Ridon na kinumpirma ng Land Transportation Office na nakarehistro sa pangalan ni Ramil Madriaga at ng kanyang anak ang anim na sasakyan, kabilang ang mga sinasabing binili gamit ang perang mula kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Ridon, tugma sa records ng LTO ang lahat ng sasakyang binanggit sa affidavit ni Madriaga.

Sa pagdinig, sinabi ni Madriaga na binigyan siya ng P25 milyon noong 2021 para bumili ng high-end motorcycles para umano kina Vice President Sara Duterte at sa grupong ISIP, naglalayong mahalal bilang Pangulo si VP Sara.

Ayon sa mambabatas, bumili si Madriaga ng dalawang Harley-Davidson, dalawang Ducati motorcycles, at pitong Yamaha NMAX units, habang ang natitirang pera ay ibinahagi sa mga miyembro ng grupo.

Kinumpirma rin ng LTO, ayon kay Ridon, na ang Toyota FJ Cruiser na ginamit umano sa pagbiyahe ng confidential funds ng OVP noong 2022 ay nasa kanilang records.