Pinili ng LTO ang pagsulong sa hangaring mapabilis ang buong digitalization ng lahat ng transaksyon sa ahensya sa gitna ng mga kabilaang issue at mga kontrobersiya na kinakaharap ng ahensya.
Sa katunayan, sinabi ni LTO chief Vigor Mendoza na nasa huling yugto na sila ng pagsusuri para sa paglulunsad ng full automation para sa pagproseso ng driver’s license.
Gayundin ang pagpaparehistro ng motor vehicles bago matapos ang Nobyembre ngayong taon.
Sa kaso ng Land Transportation Management System, ayaw na ng ahensya na bigyang pansin ang mga bagay na hindi makakatulong sa digitalization ng LTO.
Sa halip, nakatuon ang ahensya sa pag-aayos ng lahat ng mga problemang may kaugnayan lamang sa LTO sa lalong madaling panahon upang maihatid ang komportableng serbisyo sa publiko.
Ito ang dahilan, ayon kay Mendoza, kung bakit agad siyang lumikha ng Technical Working Group (TWG) para sa pagsasama-sama ng dalawang IT system na kasalukuyang ginagamit sa LTO nang maupo siya sa nangungunang posisyon noong Hulyo.
Ang dalawang online na platform ay ang lumang IT system sa pamamagitan ng Stradcom habang ang isa ay ang Dermalog na nagbigay daan para sa paggamit ng LTMS.
Matatandaan na itinaas ng mga nakaraang ulat ang isyu ng pag-urong sa mga pagsusumikap sa digitalization sa LTO na naiulat na dahil sa magkasalungat na sistema ng dalawang online platform.