Pinag-aaralan ng Land Transportation Office (LTO) ang pagpapatupad ng isang sistema na magbibigay ng babala sa mga pampublikong sasakyan sa tuwing masama ang panahon, at kung mayroong mga kalamidad.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza II, nais tularan ng ahenisya ang mga safety measure na ipinapatupad ng ibang ahensiya, katulad ng no sea-travel policy sa mga karagatan, kapag masama ang panahon.
Ang nasabing plano ay kasabay na rin ng pagnanais ng ahensiya na maimpormahan ang mga tsuper at operator sa aktwal na kondisyon ng mga lansangan, at ruta ng mga ito.
Kasabay nito ay plano naman ng ahensiya na bumuo ng listahan ng mga kalsada at ruta na madalas makapagtala ng pagguho ng lupa at pagbaha sa tuwing masama ang panahon.
Ayon kay Mendoza, magpapakalat din ang LTO ng mga enforcers sa mga terminal ng bus at iba pang pampublikong sasakyan na silang magbibigay ng sapat na impormasyon ukol sa kondisyon ng mga kalsada sa tuwing may bagyo.
Sa pamamagitan din ng nasabing proseso ay maaaring maiwasan pa ang mga kumpulan ng mga pasahero na malimit ma-stranded sa panahon ng mga kalamidad.