Nais makuha ng Land Transportation Office (LTO) ang Land Transportation Management System (LTMS) mula sa German information technology (IT) contractor na Dermalog bilang bahagi ng digitalization efforts ng gobyerno.
Sinabi ni LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II na ang naturang takeover ay makatutulong para mapabilis ang pagtugon sa mga problemang iniharap ng Commission on Audit at ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Aniya ang kanilang mga IT experts ay may kakayahang mag-operate at magpanatili ng nasabing sistema.
Sa katunayan aniya, sila ang may pananagutan sa pag-aayos ng sistema upang gawing mas madali at mas komportable para sa mga end-user na magamit ang kanilang online services.
Sa ngayon, sinabi ni Mendoza na ang pag-iisyu ng mga driver’s license ay 100 porsiyento na ginagawa sa ilalim ng Land Transportation Management System.
Ang LTO ay kasalukuyang nakatuon sa pagpapabuti ng pagpaparehistro ng mga bagong rehistradong unit sa Land Transportation Management System na kasalukuyang nasa humigit-kumulang 60 porsyento.
Una nang sinabi ni Mendoza na ang pagsusuri ng DICT ay nagsiwalat ng 14 na kakulangan sa sistema ng Land Transportation Management System at 166 ang nangangailangan ng mga pagpapahusay upang mapabuti ang naturang sistema.