-- Advertisements --

Pinagpapaliwanag ngayon ng Land Transportation Office ang may-ari at driver ng isang SUV na kamakailan lang ay nasangkot sa isang road crash incident sa Mandaluyong City nitong nakalipas na weekend.

Ito ay matapos na maglabas na ng show cause order ang LTO-National Capital Region laban sa may-ari at driver ng nasabing sasakyan noong mga oras na nangyari ang nasabing insidente.

Sa naturang show cause order ay pinagpapaliwanag ngayon ng ahensya ang naturang mag indibidwal kung bakit hindi dapat sila mapatawan ng kaparusahang may kaugnayan sa paglabag sa mga batas trapikong nauugnay sa reckless driving, improper person to operate a motor vehicle, pagmamaneho ng hindi rehistradong sasakyan, at iba pa.

Batay kasi sa inisyal na ulat ng LTO-NCR, hindi rehistrado ang sasakyang gamit ng salarin nang mangyari ang naturang insidente.

Dahil dito ay ipinatatawag ngayon ng kagawaran ang may-ari at driver nito sa Enero 4, 2024, eksaktong alas-2:00 ng hapon, dala-dala ang notarized affidavit na naglalaman ng kanilang paliwanag.

Sa oras anila na bigong magpakita at makapagsumite ng notarized affidavit ang naturang mga indibidawal kaakibat ang iba pang mga supporting documents na hinihingi ng ahensya ay ituturing ito bilang waiver of contest.

Bukod dito ay una na ring sinuspinde ng LTO-NCR sa loob ng 90 araw ang registration ng SUV at maging ang non-professional driver’s license ng nagmamaneho nito nang magyari ang naturang insidente.

Kung maaalala, ang naturang aksidente ay nag-ugat nang bilang humarurot ng takbo ang driver ng SUV matapos siyang lapitan ng dalawang motorista naabala sa kaniyang paghinto sa kalsada nang makatulog sa loob ng kaniyang sasakyan.

Sa kaniyang mabilis na pagpapatakbo ng sasakyan ay nagulungan nito ang isang babae na sakay ng isa sa mga motoristang lumapit sa kaniya, nagdirediretso ang takbo nito hanggang sumalpok sa poste ng Metro Rail Transit.

Agad namang naaresto ng mga otoridad ang driver ng nasabing SUV.