-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Pinasalamatan ng Land Transportation Office (LTO) Bicol ang mga enforcers nito na kaagapay sa pagtulong sa komunidad sa gitna ng krisis dahil sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni LTO Bicol Director Franciso Ranches Jr. sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na ilang enforcers sa lalawigan ng Sorsogon ang nag-donate ng relief goods gamit ang porsyon ng kanilang hazard pay sa ilang pamilya na apektado ng krisis. 

Ayon kay Ranches, ikinatuwa nila ang hakbang ng mga naturang enforcers dahil nakuha pang mamigay ng ayuda kahit kabilang rin sila sa mga itinuturing na frontliners. 

Nakikipag-ugnayan na rin ang LTO sa pribadong sektor upang manghiram ng mga shuttles na magbibigay ng libreng sakay sa mga health workers.

Ipagpapatuloy aniya nila ang mga hakbang na ito hanggang sa matapos ang quarantine.

Umaapela naman sa publiko si Ranches na sumunod sa quarantine protocols upang maiwasang dumami pa ang nahahawa sa sakit.