Hindi na kailangan pang pumunta ng mga motorista sa Land Transportation Office (LTO) para sa halos lahat ng transaksyon tungkol sa kanilang driver’s license at registration ng kanilang mga sasakyan.
Ito ang binigyang diin ni LTO chief na si Asst. Secretary Vigor Mendoza II na kung saan magpapatupad ang ahensya ng appointment system para sa application at renewal ng driver’s license at motor vehicle registration.
Ibinunyag ni Mendoza ang plano sa gitna ng mga ulat ng patuloy na presensya ng mga fixer na talamak sa paligid ng mga opisina nito.
Ang nasabing hakbang ay para rin sa pagtugis ng mga fixers at isulong ang digitalization na ipinag-utos ni Pangulong Marcos na pagtuunan ng pansin ng lahat ng ahensya.
Aniya, ang appointment system ay isang malaking hakbang patungo sa digitalization ng LTO, na nangangahulugang lahat ng transaksyon ay gagawing online.
Tinitiyak ng ahensya sa mamamayang Pilipino, lalo na sa mga kliyente, na pasisimplehin at paiikliin ang buong proseso sa mga kinakailangan sa LTO.
Sa pamamagitan ng pagpupursige sa appointment system at online transaction, sinabi niya na ang mga fixer ay hindi magkakaroon ng pagkakataon na makisali sa kanilang mga ilegal na aktibidad.