Bukas ang Land Transportation Office (LTO) sa planong pag-iimbestiga ng Senado sa isang alitan sa trapiko kung saan ang retiradong pulis na si Wilfredo Gonzales ay nagkasa ng baril laban sa isang siklista sa Quezon City.
Sa isang pahayag, sinabi ni LTO chief at Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary Vigor Mendoza II na itatampok din ng inquiry ang kahalagahan ng responsableng road sharing at ang kaligtasan ng mga motorista at siklista.
Aniya, ang ganitong mga klase ng pangyayari ay hindi basta-basta dapat pinapalampas dahil kaligtasan ng mga motorista at ng mga mananakay ang nakasalalay.
Habang sinimulan na ng LTO at Philippine National Police (PNP) ang kanilang sariling pagtatanong sa insidente, sinabi niya na ang isang hiwalay na inquiry ng Senado ay makakatulong na turuan ang publiko na lahat ay may pantay na daan sa mga pampublikong kalsada.
Dagdag ni Mendoza, mahalaga rin ang magiging ambag ng pagtalakay na gagawin sa Senado upang malaman kung ano-ano ang mga bagay na dapat i-improve sa sektor ng transportasyon.
Nauna rito, magkasamang naghain ng resolusyon sina Senate President Juan Miguel Zubiri at Sen. Pia Cayetano na naglalayong imbestigahan ang road rage incident na nag-viral sa social media na kinasangkutan ni Gonzales at isang siklista sa kahabaan ng Quezon Avenue na makikita sa isang video na inilabas noong Agosto 8.
Naglabas na ang LTO ng 90-day preventive suspension laban sa lisensya ni Gonzales at ipinatawag siya para sagutin ang apat na traffic violations, kabilang ang pagbalewala sa traffic sign sa ilalim ng Joint Administrative Order 2014-01, obstruction of traffic, reckless driving at improper person to operate vehicle sa ilalim ng Republic Act 4136.