Handa ang Philippine Army na magpadala ng karagdagang tropa sa mga isla at bahura na okupado ng Pilipinas sa Kalayaan Island Group (KIG) sa West Philippine Sea, ayon kay Army chief Lt. Gen. Roy Galido.
Sinabi ni Galido na mataas na ang mobility ng Army at kaya nitong mag-deploy ng battalion saan mang bahagi ng bansa.
Kasalukuyang inookupa ng Pilipinas ang siyam na features sa KIG: Pag-asa Island, Parola Island, Ayungin Shoal, Lawak Island, Kota Island, Likas Island, Panata Island, Patag Island, at Rizal Reef.
Bilang pagpapakita ng inter-service cooperation, ginawaran si Galido ng honorary badge ng Philippine Navy’s Naval Special Operations Command (NAVSOCOM) matapos niyang sumabak sa kanilang training sa Sangley Point, Cavite.
Binigyang-diin ng Army chief ang kahalagahan ng cross-training at interoperability sa pagitan ng mga sangay ng AFP, lalo na habang lumilipat ang militar mula internal security tungo sa territorial defense.
Paliwanag ni Galido na importante ang malinaw na division of roles at hindi nagkakapatong ang capabilities ng Army, Navy, at Air Force. Sa ganitong paraan aniya, mas efficient ang paggamit ng resources.