-- Advertisements --

Isinusulong ngayon ng Philippine National Police (PNP) sa pangunguna ni PNP Chief PGen. Nicolas Torre III ang paggamit ng mas maraming body-worn cameras, drones, mga mobile closed-circuit television (CCTVs) para mas mapabilis ang response time ng mga pulis sa mga emergencies ng publiko.

Sa isang panayam, kinumpirma ni Police Regional Office III Director at PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo na sa kasalukuyan ay mayroon ang PNP ng hindi bababa sa 2,700 na mga body-worn cameras kung saan 648 mula dito ay kayang makapag-live broadcast habang ang natitira naman ay ginagamit para makapagrecord.

Aniya, kapag naging fully-operational na ang 911, nais mismo ng hepe na lahat ng mga nagppatrolyang mga pulis ay may mga suot na body cams.

Ito ay matapos na iutos ni Torre sa kanilang kauna-unahang Command Conference na dapat ay maging mas moderno ang magiging pagresponde ng mga pulis sa pangangailangan ng mga mamamayang Pilipino lalo na kung para ito sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa mga komunidad.

Samantala, kasunod nito ay pinapalano na rin ng PNP na gumamit ng mga drones lalo na kapag may mga malalaking pagtitipon kung saan sa kasalukyan naman ay mayroong 965 na mga drones ang inihahanda ng organisasyon.

Kabilang din sa bagong modernized approach ng PNP ang paggamikt ng mga CCTV cameras para sa 360° na pagsubaybay sa mga lugar na dinadayo ng publiko at maging sa mga pangunahing lansangan sa bansa.