Sinisi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Party-list ang matinding kakulangan sa mga guro, silid-aralan, at kagamitan sa pag-aaral bilang ugat ng lumalalang krisis sa edukasyon sa bansa, kung saan tinatayang 18.9 milyon ang functionally illiterate na kabataang estudyante.
Ayon sa ACT, kailangan ng:
- 150,000 dagdag na guro upang maibaba ang class size sa global standard na 35 estudyante kada klase,
- 165,000 bagong silid-aralan, dahil 30% lang sa mga umiiral ang nasa maayos na kondisyon,
- 56,000 education support personnel,
- Sapat na learning materials, at
- Digital tools, lalo’t 37% lang ng mga guro ang may laptop, at 17% lang ng mga estudyante ang may sariling gadget.
Dagdag pa ng grupo, higit 100,000 guro ang kinakailangan para maipatupad nang maayos ang K to 12 program at matugunan ang dumaraming populasyon ng mag-aaral.
Umapela rin ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa pamahalaan na doblehin ang badyet sa edukasyon upang tugunan ang kakulangan sa pasilidad, guro, at kagamitang pangturo, pati na rin ang pagtaas ng sahod ng mga guro.
Hamon ng grupo sa Pangulo na sa darating na SONA, ilagay sa sentro ng pambansang agenda ang krisis sa edukasyon. (report by Bombo Jai)