-- Advertisements --
ltfrb

Pinayuhan ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board Chairman Teofilo Guadiz III ang isang transport group leader na magsumite ng pormal na liham para sa dagdag na P2 sa minimum na pamasahe.

Sinabi ni Liga ng Transportasyon at mga Operator sa Pilipinas (LTOP) national president na si Lando Marquez na sa pakikipagpulong sa transport groups, sinabi ni Guadiz na sapat na ang isang simpleng liham para humiling ng dagdag pamasahe sa pamamagitan ng Memorandum Circular 2019-035.

Hiniling ni Marquez at tatlong iba pang lider ng transport group na itaas ang minimum na pamasahe sa P14 para sa mga public utility jeepney, mula sa kasalukuyang P12, dahil patuloy ang pagtaas ng presyo ng gasolina.

Bukod sa LTOP, ang petisyon sa pagtaas ng pamasahe ay inihain ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide, STOP and Go, at Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines.

Ayon pa kay Marquez, si Chairman Guadiz ang nagbigay ng instruction at ipinaalam din nila ito kay Transportation Secretary Jaime Bautista.

Nanindigan ito na sa ilalim ng Section 4 ng Memorandum Circular 2019-035, hindi na kailangang maghain ng pormal na petisyon para sa pagtaas ng pamasahe.

Aniya, sa ilalim ng Memorandum Circular 2019-035, maaaring ayusin ng LTFRB ang pamasahe kung maabot ang isang antas o level ng pagtaas ng gasolina.

Sinabi ni Marquez na hihintayin ng transport groups ang tugon ng LTFRB bago sila magdesisyon sa kanilang susunod na hakbang.