Nagtalaga ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mga pick-up at drop-off points para sa mga nais manood ng live na basketball games ng International Basketball Federation (FIBA) World Cup 2023.
Kasabay nito, sinabi ni LTFRB chairman Teofilo Guadiz III na nagbigay din sila ng special permit sa mga public utility bus para sa transportasyon ng mga pasaherong papunta at pabalik sa mga venue ng basketball game sa tagal ng event.
Ang itinalagang pick-up at drop-off points ay ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa Parañaque City, One Ayala Terminal sa Ayala Avenue, Makati City; Cloverleaf Ayala sa Bonifacio Avenue, Quezon City; Market! Market! Bofacio Global City (BGC) sa Taguig City; Araneta City, Cubao, Quezon City, at sa Angeles, Pampanga.
Ang special permit para sa mga pampasaherong utility bus ay may bisa hanggang Setyembre 17.
Dagdag dito, ang Pilipinas kasi ay isa sa tatlong host ng FIBA World Cup ngayong taon at ang mga laro ay gaganapin sa Mall of Asia Arena sa Pasay City, sa Araneta Coliseum sa Quezon City at sa Philippine Arena sa Bulacan.
Una nang sinuspinde ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang mga klase at trabaho sa Metro Manila at Bulacan ngayong araw para bigyang-daan ang opening ceremony ng FIBA sa Philippine Arena.