Patuloy ngayon ang isinasagawang panghihikayat ng Department of Migrant Workers katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration o OWWA sa mga Pilipinong nasa Israel o bahagi ng Middle East para sa kanilang voluntary repatriation.
Ito mismo ang inihayag ni OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan sa naganap na pulong balitaan kung saan kanyang binigyang halaga ang mga inisyatibo ng kagawaran para sa kalagayan ng mga Pilipino abroad.
Kaugnay pa rin ito sa kasalukuyang nagaganap na hidwaan sa pagitan ng bansang Iran at Israel kaya’t hindi hinihinto ng ahensya ang kanilang paghimok sa mga OFWs na nais makauwi pabalik ng Pillipinas.
Ayon kasi kay Administrator Caunan, ang ilang mga Pilipino kasi ay nagda-dalawang isip na sumama sa voluntary repatriation dahil sa kanilang mga trabaho.
Ngunit pagtitiyak naman niya na sa oras na tumawag ang isang Overseas Filipino Worker at humiling ng repatriation, makaseseguro umano raw ito ng agarang pagtugon at pagtulong mula sa pamahalaan.
Dagdag pa rito, inihayag din ni Administrator Patricia Yvonne Caunan ng Overseas Workers Welfare Administration na mayroon silang call center na 24 oras nakabukas.
Dito aniya maaring tumawag ang mga Overseas Filipino Workers upang humingi ng tulong at maging ang mga kaanak nito na nag-aalala habang nasa Pilipinas.
Dahil rito ay inilahad ni OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan ang mga detalye na maaring tawagan ng mga Pilipino abroad upang mahingan ng tulong.