-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Agricuture (DA) na may sapat na supply ng pataba ang bansa para sa sektor ng agrikultura, sa kabila ‘yan ng tumitinding kaguluhan sa pagitan ng Israel at Iran na maaaring makaapekto sa shipping sa Gulf region kung saan matatagpuan ang bansang Qatar, na isa sa mga pangunahing supplier ng fertilizer sa bansa.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., may stock ang Pilipinas na tatagal hanggang sa katapusan ng taon.

Sinabi rin niyang may mga alternatibong supplier ng fertilizer ang bansa tulad ng Russia at Brunei Darussalam, kaya’t hindi inaasahang magkakaroon ng kakulangan.

Dagdag pa ng kalihim na hindi rin inaasahang magkakaroon ng malakihang pagtaas ng presyo ng mga produktong agrikultural, bagama’t maaaring magkaroon ng bahagyang epekto sa pagtaas ng presyo ng petrolyo.