Nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga driver at operator ng Transport network Companies (TNCs) sa pangongolekta ng labis na pamasahe sa mga pasahero.
Sa isang statement, sinabi ng LTFRB na nakapagpadala na ito ng liham sa TNC hinggil sa complaints na ilang driver ang nagdedemand ng pamasahe na lagpas sa inapribahan ng ahensiya para sa Transport Network Vehicles (TNVs).
Base sa idinulog na anonymous complaint sa LTFRB, napag-alaman na umaabot sa P1,000 ang hinihinging pasahe ng TNC para sa one-way ride na tinatawag na “priority Boarding Fee”.
Kaugnay nito, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang LTFRB ang naturang complaint.
Base kasi sa fare structure, dapat na nasa P40 ang flagdown rate para sa sedan-type na may P15 fare kada kilometro at P2 kada minuto travel fare.
Para naman sa premium na AUV/SUV, nasa P50 ang flagdown rate na may P18 per kilometer fare at P2 per minute travel habang ang Hatchback o Sub-compact type na TNVs ay may P30 flagdown rate na may P13 per kilometer fare rate at P2 per minute travel fare.
Nagbabala sa maaaring consequences gaya ng fines at penalties ang LTFRB kapag mahuli ang mga TNVs na magpapatong ng malaking singil sa pamasahe.
Target ng LTFRB na magpakalat ng mystery riders sa susunod na mga araw para masuri kung sumusunod ang mga operators at drivers ng TNCs at TNVs sa itinakdang fare structure
Hinihikayat naman ng LTFRB ang publiko na gumagamit ng TNVs na ireport ang anumang iregularidad sa pamamagitan ng kanilang hotline number na 1342 o FB page.
-- Advertisements --