COTABATO CITY – Walong araw matapos makumpirmang positibo sa COVID-19 ang 29-anyos na babaeng locally stranded individual (LSI) mula Quezon City at residente ng bayan ng Libungan, Cotabato ay nanatili itong asymptomatic positive.
Ayon kay Libungan Municipal Epidemiology Surveillance Officer John Cesar Allado na normal lahat, walang ubo, sipon, lagnat o diarhhea ang pasyente na kasalukuyang naka-isolate sa isang municipal isolation facility.
Tiniyak rin ni Allado na lahat ng kabilang sa LGU team na sumundo sa pasyente mula USM COVID facility kahit pa naka-PPE ay sumailalim kaagad sa 14-day mandatory quarantine.
Idinagdag pa nito na sa kasalukuyan ay 114 ang patuloy na naka-quarantine/isolated sa iba’t ibang isolation facilities ng munisipyo at naka home-quarantine.
Aniya, tinitiyak muna nila na pasok sa standard requirement ng IATF ang bahay ng mga pinapayagan mag home-quarantine.
Ang bawat Libunganons na SLI, OFWs at seafarers na sumasailalim sa quarantine ay may libreng hygiene kit na kinabibilangan ng malong at kulambo at 10 kilong bigas na pabaon sa kanilang pagtatapos mula sa 14-days quarantine period.
Tiniyak naman ni Libungan Mayor Christopher “Amping” Cuan ang lahat ng tulong sa pasyente na 24/7 na naka-strict monitoring.
Samantala, sa bayan naman ng Midsayap ay umabot na sa 799 ang kabuuang bilang ng mga LSI, OFWs at seafarers ang naitalang nakauwi na sa bayan.
Umaabot naman sa 52 dito ang kasalukuyang naka-quarantine sa municipal isolation facility.
















