BUTUAN CITY – Patuloy pang inalam ng pulisya sa Bislig City, Surigao del Sur kung may foul play ba o wala ang pagkamatay ng isang locally stranded individual (LSI) na engineer matapos itong tumalon mula sa ambulansiyang sumundo sa kanya.
Nakilala ang biktimang si Lanie Taray, 26, residente ng Purok-2 Cagui-on, Brgy. Tabon ng nasabing lungsod.
Ayon kay Police Lt. Col. Wilson Corpuz, hepe ng Bislig City Police Station, dakong ala-1:20 kahapon ng hapon nang sunduin ng driver ang LSI mula sa kanilang bahay upang dalhin sa quarantine facility ng kanilang lugar ngunit pagsapit nila sa national highway ng Brgy. Maharlika, ay binuksan umano ng inhinyero ang ambulansya sabay talon na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Dinala pa ito sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Kaagad namang sumuko sa pulisya ang driver ng ambulansyang si Jeyrex Tuburan Garrido, 24, taga P-7 Castillo Village, Brgy. Mangagoy at kasamahan nitong 21-anyos na si Johnrey Benore.