Pansamantalang ititigil ang operasyon ng tren sa Light Rail Transit line 1 sa loob ng tatlong Linggo upang magbigay daan sa isasagawang pag a-upgrade sa bagong signalling system nito.
Ayon sa inilabas na advisory ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), magsasagawa ng necessary tests at trial runs ang kanilang pamunuan at contractor nito sa LRT Line 1 sa November 28, 2021, January 23, 2022, at January 30, 2022 dahilan para pansamantalang suspendihin ang operasyon nito.
Anila, ito ay upang kumpirmahin ng kanilang kagawaran ang kahandaan ng bagong signalling system ng naturang railway.
Samantala, humingi naman ng paumanhin at pang-unawa si LRMC Chief Operating Officer Enrico Benipayo sa mga maaapektuhan na pasahero at siniguro naman niya na ang isasagawang aktibidad ay magiging kapaki-pakinabang sa matagal na panahon.
Ang railway signaling systems ay katulad ng “traffic light system” na para naman sa mga tren na ginagamit upang maging maayos ang takbo ng trapiko ng mga ito sa riles. (Marlene Pdiernos)