Inihayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) na magpapatupad ng libreng sakay para sa mga manggagawa ang gobyerno Light Rail Transit (LRT) Line 2 sa Araw ng Paggawa (Mayo 1)
Ito ay matapos aprubahan ng Department of Transportation ang kahilingan ng labor department na magbigay ng libreng sakay sa mga Pilipino sa pagdiriwang ng Araw ng Manggagawa.
Maaaring ma-avail ang libreng sakay sa mga peak period mula alas-7 hanggang alas-9 ng umaga at mula alas-5 naman ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.
Para maka-avail ng libreng sakay, kailangang ipakita ng mga empleyado ang kanilang company identification card o anumang valid government-issued identification card.
Dagdag dito, dapat silang sumunod sa karaniwang frisking at inspeksyon sa bagahe ng LRT Line 2 management at dapat sumunod sa mga patakaran at regulasyon, kabilang ang mandatoryong pagsusuot ng mga face mask.
Una nang sinabi ng DOLE na inaasahang makikinabang din sa libreng sakay ang mga aplikanteng pupunta sa iba’t ibang job fair sites sa National Capital Region.