-- Advertisements --

Lumabas na sa monitoring domain ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Low Pressure Area (LPA 08e) nitong alas-2 ng madaling araw, Agosto 17, 2026.

Samantala, patuloy namang mino-monitor ng PAGASA ang isa pang LPA 08f na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Huli itong namataan sa layong 1,075 ng silangan ng hilagang Luzon.

Mayroon itong ”medium” chance na maging tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras.

Kasabay nito, nagbabala ang PAGASA sa heavy rainfall dahil sa Southwest Monsoon o Habagat sa ilang bahagi ng Luzon.

Mula Linggo ng gabi hanggang Lunes ng gabi, Agosto 17, nasa 50 hanggang 100 millimeters ang inaasahang buhos ng ulan sa Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Benguet, Zambales at Bataan.

Mula naman Lunes ng gabi hanggang Martes ng gabi, Agosto 18, posibleng umabot sa 50 hanggang 100 millimeters ang ulan sa Ilocos Sur, La Union, Benguet, Pangasinan, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro at Antique.

Samantala, mula Martes ng gabi hanggang Miyerkules ng gabi, Agosto 19, inaasahan ang 50 hanggang 100 millimeters na pag-ulan sa Ilocos Sur, La Union, Benguet, Pangasinan, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro at Antique.

Ayon sa PAGASA, maaaring mas mataas ang dami ng ulan sa mga nakatira sa bulubundukin at matataas na lugar.