-- Advertisements --

Binigyang diin ng Department of Justice na hindi makakaapekto ang isinampang kasong ‘grave threats’ laban kay Vice President Sara Duterte sa ‘Impeachment Trial’ ng Senado. 

Sa panayam kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, kanyang iginiit na hiwalay ang proseso ng kaso sa nagpapatuloy na ‘impeachment proceedings’. 

Magkaiba aniya ang mga ito kung kaya’t hindi umano dapat makakaapekto ang paglilitis ng Senate Impeachment Court sa paghawak ng Regional Trial Court sa kasong ‘grave threats’ kontra ikalawang pangulo. 

Ayon sa tagapagsalita, ang ‘impeachment trial’ ay saklawa ng lehislatura sa pangunguna ng mga ‘senator judges’, habang hukuman naman ang kasong kriminal. 

Kahapon, pormal nang kinasuhan ng DOJ si Vice President Sara Duterte ng ‘grave threats’ sa Regional Trial Court ng Quezon City. 

Kaugnag ito sa ginawang pagbabanta ng ikalawang pangulo sa buhay nina Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr, First Lady Liza Araneta-Marcos, at former House of Representatives Speaker Martin Romualdez. 

Higit isang taon bago tuluyan isampa ng kagawaran ang kaso sa korte buhat nang i-refer ng National Bureau of Investigation noon pang 2025. 

Paliwanag ni DOJ Spokesperson Martinez, walang naging epekto o impluwensya rito ang isinasagawang ‘impeachment trial’ ng senado sa bise presidente. 

Sa kasalukuyan, nasa hurisdiksyon na ng korte ang kasong grave threats laban kay Vice President Sara Duterte. 

Habang ang ‘inciting to sedition complaint’ nama’y ibinasura ng prosekusyon dahil sa kawalan ng dapat na ebidensya.