-- Advertisements --

VIGAN CITY – Anggulong “love triangle” ang tinitingnang rason ng pamamaril ng isang police trainee sa Bangued, Abra.

Sa nasabing insidente, namatay ang isang pulis na pinaniniwalaang kalaguyo ng kapwa pulis sa parehong bayan.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, nangyari ang pamamaril sa Room 2 ng HRH Space Rental, Zone 7, Bangued, kung saan ang nasawi ang nakilalang si Patrolman Jay Valdez Tabili at sugatan ang asawa ng suspek na si Patrolwoman Jemalyn Langgoyan.

Ang suspek naman ay si Police Trainee Joseph Langgoyan na kasalukuyang nasa ilalim ng Field Training Program ng Bangued-Philippine National Police (PNP).

Napag-alaman na bibisitahin sana ng suspek ang asawa nito sa inuupahan niyang kuwarto sa nabanggit na space rental ngunit tumambad sina Jemalyn at Tabili na magkasama.

Dahil dito, nagalit ang suspek at pinagbabaril ang dalawa.

Natamaan ang ulo ni Tabili na sanhi ng agarang pagkamatay nito samantalang natamaan naman sa tiyan si Jemalyn na kasalukuyang ginagamot sa Abra Provincial Hospital.

Nakarekober ang mga nagrespondeng otoridad ng armscor caliber 45 pistol na mayroong anim na bala, at isang caliber 9 mm Tauros pistol na may 10 bala.

Samantala, nakakuha rin ang mga kapulisan sa pinangyarihan ng krimen ng isang basyo ng caliber 45, tatlong basyo ng caliber 9 mm, isang basyo ng hindi pa tukoy na baril at dalawang metal fragments.

Sa ngayon, nakakustodiya na sa Bangued-PNP ang suspek at inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa kaniya.