Mariing itinanggi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na inuokupa ng militar ang mga Lumad communities sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa budget hearing ng Kamara, sinabi ni Bayan Muna Representative Eufemia Cullamat claimed na patuloy na nakakaranas ng harassment ang mga Lumad communities sa kabila ng banta ng COVID-19 pandemic.
“Kaliwa’t kanan ang pagbobomba at pag-harass at pagkampo ng mga militar sa komunidad ng mga Lumad, kinukulong at sinampahan ang pambansang minorya ng mga gawa-gawang kaso,” ani Cullamat.
Bilang sagot, inamin ni Lorenzana na tuloy pa rin hanggang sa ngayon ang operasyon ng mga tropa ng pamahalaan sa ilang Lumad communities pero iginiit na hindi naman inuokupa ng mga ito ang naturang mga lugar.
”’Yung mga operations naman ng military diyan, may pahintulot ‘yung mga Lumad, karamihan ng pupunta sila diyan ay may pahintulot,” dipensa ni Lorenzana.
Sinabi ng kalihim na kaya nilang makapaglabas ng mga litrato bilang suporta sa kanilang mga sinasabi.
Noong nakaraang linggo lang, mababatid na kinondena ng Indigenous Peoples Rights International ang “brutal attacks” sa mga indigenous peoples sa Pilipinas sa gitna ng health crisis.