GENERAL SANTOS – Nakatakdang magtungo sina Defense Secretary Delfin Lorenzana kasama si DENR (Department of Environment and Natural Resources) Secretary Roy Cimatu, ang Lungsod ng Heneral Santos upang personal na alamin kung bakit lumobo ang bilang ng kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) doon.
Si Lorenzana ang chairman ng National Task Force Against COVID-19, habang si Cimatu ang deputy implementer ng coronavirus response ng pamahalaan.
Ayon kay GenSan Mayor Ronnel Rivera, nagkaroon ng video conference kay Sec. Lorenzana na darating pagkatapos ng lockdown sa Setyembre 13.
Tutulong aniya sina Lorenzana at Cimatu para mapabilis ang akreditasyon at pagbigay ng lisensya para maka-operate na ang molecular laboratory sa lungsod.
Nabatid na naghihintay na lamang ng schedule ng proficiency testing ang nasabing laboratoryo sa Department of Health.
Ang Gensan kasi ay isa sa tinututukan, kasama ang mga lungsod ng Bacolod at Iloilo na may matatas na bilang ng mga nagpositibo sa deadly COVID.