Hiniling ng ilang senador sa Department of Labor and Employment (DOLE) na gumawa ng sustainable at long-term employment programs para sa mga manggagawa na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa Senate hearinf ng proposed 2021 budget ng DOLE, pinaalala ni Sen. Joel Villanueva na ang pondo ng ahensya ay upang makapagbigay ito ng kaginhawaan sa mga empleyado.
Subalit nagtataka aniya ito kung ang mga programa ay tiniyak ang sustainable employment para sa kanilang mga beneficiaries.
Parang hindi raw kasi napondohan ng maayos ang malaking programa na para sa employment recovery plan. Paalala nito na hindi kailangang maging business as usual ang approach sa susunod na mga taon dahil sa pandemic.
Sinegundahan naman ito ni Sen. Imee Marcos, aniya importante para sa DOLE na gumawa ng mas mahabang term job strategy sa loob ng tatlong taon habang sinusubukan pang muling tumayo ng ekonomiya ng bansa.
Ayon naman kay Labor Assistant Secretary Dominique Tutay, kakailanganin umano ng DOLE na galawin ang kanilang programa tulad na lamang ng TUPAD program o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers program.