-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Dumulog sa Bombo Radyo Cauayan ang apo ng isang lola na nabiktima ng budol-budol nang magtungo sa isang bangko sa Cauayan City para magwithdraw ng kanyang pera mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4p’s).

Inihayag ni Alma Cuenta na naganap ang insidente noong Miyerkules.

Nakapila ang kanyang lola sa ATM Machine nang lapitan siya ng hindi pa nakikilalang babae na nagpanggap na kamag-anak nila.

Ayon umano sa babae, titingnan nito kung may laman na ang ATM card ng kanyang lola.

Kinuha nito ang ATM mula sa biktima at nagswipe sa ATM Machine.

Hiningi rin umano nito ang PIN number na ibinigay naman ng biktima.

Nang titingnan na nito ang balance ng ATM ay pinalayo nito ang biktima at sinabing P27 lamang ang laman ng kanyang card.

Kalaunan ay nag-abot umano ng P150 ang naturang babae sa kanyang lola at sinabing pamasahe nito para magtungo sa tanggapan ng DSWD para tingnan kung nakapasok na ang pera.

Dahil nataranta ang kanyang lola ay nagtungo naman siya sa tanggapan ng DSWD.

Wala umano silang kaalam-alam na nakuha na pala ng naturang babae ang payout ng biktima na P3,700.

Samantala, muling nagpaalala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) region 2 sa mga benepisaryo ng 4p’s na huwag ipagkakatiwala ang kanilang cash cards sa mga hindi kakilala.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DSWD Regional Director Lucy Alan sinabi niya na ito ang unang pagkakataon na makapagtala sila ng ganitong insidente dahil karaniwan na ang mga 4p’s beneficiaries ay sabay-sabay na nagtutungo sa bangko para makapagwithdraw ng kanilang pera.

Bilang hakbang ay plano ng DSWD na makipag-ugnayan sa mga Munisipalidad at Siyudad para bigyan ng paalala ang mga 4p’s beneficiaries sa kanilang nasasakupan upang hindi ipagkatiwala sa ibang tao ang pagwiwithdraw sa kanilang pera sa ATM machines.

Dapat din aniya na magsama ang mga senior citizen na 4p’s beneficiaries ng kahit isang kamag-anak na nakakaalam sa kanilang PIN number para sila ang magwiwith draw ng pera para sa kanila.

Pinayuhan niya ang nabiktima ng budol-budol na magtungo sa kanilang tanggapan sa Cauayan City para makaugnayan ang Bangko at makita ang pangyayari sa Camera ng ATM machine at tuluyang makapaghain ng police blotter laban sa pinaghihinalaan.