-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Kasunod ng Simbahang Katolika at mga pari, umapela rin ang lokal na gobyerno ng Aklan kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban ang desisyon nito na payagan ang operasyon ng mga casino sa isla ng Boracay.

Kasunod ito ng mahigpit na pagtutol ng mga Aklanon sa anumang sugal sa isla.

Sa isang resolusyon na ipinasa sa regular session, inihayag ng Sangguniang Panlalawigan na ang deklarasyon ng Pangulo na payagan ang casino sa Boracay ay nagbunsod sa pagkakaisa ng mga mamamayan sa pagkundina sa naturang hakbang.

Naging inutil anila ang pamahalaan na makahanap ng iba pang mas mabuting paraan upang makaipon ng pondo para sa pandemic response ng bansa.

Kabaliktaran ito sa kanyang unang pahayag noong 2018 matapos na ipag-utos ang pagsasara sa Boracay sa mga turista para sa paglilinis at rehabilitasyon.

Tinukoy rin ng provincial board ang pagtutol ng Diocese of Kalibo sa pangunguna ni Bishop Jose Corazon Talaoc na nagpalabas ng pastoral letter laban sa lahat ng uri ng sugal sa lalawigan.