-- Advertisements --

Pinag-iisipan na ng gobyerno sa Japan ang tuluyang pagtatanggal ng nationwide state of emergency na nakatakdang matapos sa huling araw ng Mayo.

Nakatakdang pag-usapan ang naturang paksa sa isasagawang pagpupulong ng mga expert panel sa Huwebes.

Inaasahan namang isasama sa criteria ang pagbaba ng mga bagong kaso ng coronavirus sa bansa kada linggo.

Titingnan din ng gobyerno kung kayang asikasuhin ng mga regional medical arrangements ang malalang kaso ng nakamamatay na virus at kung ang bawat prefectures ay may maayos na COVID-19 testing systems.

Ayon kay Economic Revitalization Minister Nishimura Yasutoshi, handa raw ang Japanese government na bawiin ang emergency declaration mula sa 34 na prefectures ng bansa.

Hindi naman makakasama rito ang Tokyo dahil nakapagtala ito ng 22 bagong kaso ng virus.