MANILA – Inamin ng Department of Science and Technology (DOST) na posibleng sa katapusan ng taong 2022 ay makagawa na rin ang Pilipinas ng sariling supply ng COVID-19 vaccines.
Ayon kay DOST Usec. Rowena Guevara, anim na local pharmaceutical companies ang kausap ngayon ng pamahalaan para makapag-manufacture ang bansa ng sariling bakuna.
Layunin daw ng mga negosasyon na maging “self sufficient” ang Pilipinas pagdating sa coronavirus vaccines.
“Mayroon kasi kaming nakikitang dalawang companies na mabilis, agresibo sila. If they pursue what we think are their plans, base on what they have told us, parang kakayanin nilang magumpisang mag-produce ng vaccine by late 2022,” ani Guevara sa isang media forum.
Hindi pinangalanan ng opisyal ang naturang local pharmaceutical companies, pero kabilang daw sa mga ito ang isang distributor ng kompanya mula South Korea at isang may partnership sa kompanya sa Amerika.
Kasali rin daw sa posibleng magtayo ng manufacturing site sa bansa ang mga kompanyang may partnership sa China at Germany, na kapwa kausap na ng Bureau of Investment ng Depatment of Trade and Industry.
Inamin naman ni Guevara na ilan mula sa nasabing local pharmaceutical companies ang target munang magbukas ng manufacturing site para sa mga bakunang ginagamit ng pamahalaan sa ilalim ng National Immunization Program.
“Ang gusto nilang target is hindi COVID (vaccine). They are looking with the opportunity to start with the vaccines that are already well-established… yung para sa mga bata like for measles, rubella.”
“Kasi yung COVID-19 vaccines ngayon pinag-aaralan pa yan eh. Kapag tapos na yung clinical trials, tsaka sila papasok sa COVID-19 vaccines.”
Paliwanag ng opisyal, mayroong dalawang uri ng proseso sa vaccine manufacturing. Ang isa ay sa pamamagitan ng “fill-and-finish facility,” habang ang isa ay sa pamamagitan ng “full-fledged facility.”
“Ito (fill-and-finish) yung darating yung bulk antigen sa atin tapos ilalagay ng vaccine manufacturer sa vaccine ampoules or vials or injectibles. Yung ganon kayang matapos in less than two years.”
“Yung (full-fledged) nag-iinvolve ng buong process ng paggawa ng vaccine, kasama yung pag-manufacture ng buong antigen, it will take a minimum kapag may big company and has a foreign partner that is already doing advance manufacturing, they can do it as short as three years.”
Parehong “fill-and-finish facility” ang target ng dalawang local pharmaceutical companies na agresibong kausap ngayon ng gobyerno. May kakayahan daw ang mga ito na gumawa ng 40-million doses sa isang taon.
Katuwang ng DOST ang DTI, Department of Health, at Department of Budget and Management sa pakikipagusap sa vaccine manufacturers.
Ayon kay Guevara, mahalagang magkaroon ng sariling vaccine manufacturing site ang Pilipinas para makapaghanda ang bansa sa posibleng susunod na pandemya.
Sa ngayon daw kasi gumagastos ang DOH ng P7-billion para sa 40-million doses ng mga bakuna sa ilalim ng National Immunization Program.