CENTRAL MINDANAO – Nilathala na ng Local Government Unit (LGU) ng Kabacan Cotabato ang listahan nang mga nabigyan ng emergency cash subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan.
Sinabi ni Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr na tama lang isapubliko ang naturang listahan upang sa gayon makita ng publiko kung sinu-sino ang mga benepisyaryo ng naturang programa.
Sa oras aniya na may napasama sa listahan at nabigyan ng P5,000 na ayuda kahit hindi qualified beneficiaries ay maari itong isumbong sa Alkalde o sa mga otoridad.
Nanguna mismo si Mayor Guzman Jr. katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa mabusising proseso sa tamang pamamahagi ng SAP Cash assistance sa mga pinakamahirap na pamilya.
Personal na inalam ng Alkalde ang sitwasyon sa pamamahagi ng SAP Cash aid at sya pa mismo ang kumuha ng larawan.
Naging maayos at mabilis ang pamamahagi ng Cash assistance sa mga residente ng bayan at mahigpit na pinatutupad ang social distancing at ibang mga alituntunin sa dineklarang Public Health Emergency ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Paalala ni Mayor Guzman sa mga tumanggap ng SAP cash aid na ilaan sa pagkain ang natanggap na ayuda.
Bago lang ay binigyan ng pabuya ni Mayor Guzman Jr ang isang matapat at kahanga-hangang tricycle driver na nagsauli ng pitaka na may lamang pera mula sa SAP cash aid.
Bukod sa emergency subsidy, patuloy namang namamahagi ng tulong ang LGU-Kabacan sa pangunguna ni Mayor Guzman,SB Members,MSWDO,mga volunteers katuwang si Kabacan ABC President Evangeline Guzman sa lahat ng mga residente ng bayan na apektado ng Covid 19 crisis.
Nagpasalamat naman si Mayor Guzman dahil sa bayan ng Kabacan ay walang PUI, may ilang PUM ngunit mababa lamang ang bilang at walang nakitang sintomas ng COVID-19.