Nanawagan si Senadora Imee Marcos sa pamahalaan na agarang magpatupad ng direktang government-to-government (G2G) oil procurement upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ayon sa senador, dapat direktang bumili ang gobyerno ng langis mula sa mga bansang supplier at ibenta ito sa kontroladong presyo upang makatulong sa mga sektor na labis na tinatamaan ng oil price hikes, gaya ng mga tsuper, magsasaka, at mangingisda.
Giit ni Marcos, tila mabagal ang tugon ng administrasyon sa krisis na dulot ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, na patuloy na nagpapataas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Kinuwestiyon din niya kung bakit hindi umano nasamantala ng gobyerno ang pagkakataon na makipagkasundo sa Russia sa panahon ng umiiral na sanctions waiver.
“Kung nagawa ng pribadong kumpanya tulad ng Petron Corporation na makakuha ng milyun-milyong bariles ng Russian crude, bakit hindi ito magawa ng pamahalaan?” ani Marcos.
Binalikan din ng senador ang karanasan ng bansa noong dekada 1970, kung saan nakipagkasundo umano ang gobyerno sa ibang bansa para sa direktang pag-angkat ng langis sa mas mababang presyo upang maibsan ang epekto ng oil shocks noong 1974 at 1979.
“Kung nagawa noon, bakit hindi ngayon?” tanong niya.
Dagdag pa ni Marcos, ilang bansa sa Asya ang kasalukuyang agresibong kumikilos upang matiyak ang kanilang suplay ng langis. Kabilang dito ang Indonesia, Sri Lanka, Vietnam, Thailand, at Malaysia na umano’y nakikipag-ugnayan sa Russia at iba pang oil-exporting countries.
Iminungkahi rin ng senador na dapat pag-aralan ng Pilipinas ang estratehiya ng ibang oil-importing nations upang mabawasan ang epekto ng posibleng pagkaantala sa suplay, lalo na sa mga rutang dumadaan sa Strait of Hormuz na madalas naaapektuhan ng geopolitical tensions.
Sa halip, dapat aniyang palawakin ng bansa ang pinagkukunan ng langis at palakasin ang direktang ugnayan sa mga kalapit na producer tulad ng Malaysia, Brunei, at Indonesia, kaysa umasa sa mga middleman o refining hubs gaya ng Singapore, South Korea, at China.
Sa huli, binigyang-diin ni Marcos na ang krisis sa langis ay may direktang epekto sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino, kaya’t kinakailangan aniya ng mas matibay at agarang aksyon mula sa pamahalaan.
















