Nagbabala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista na ginagamit ang quarantine pass para makabiyahe sa gitna ng enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Sa isang virtual presser, sinabi ni MMDA spokesperson Celin Pialago na kukumpiskahin ang lisensya ng mga pasaway na motorista.
Hindi rin aniya papahintulutang makatawid sa ibang lugar ang mga motoristang ito dahil pa rin sa COVID-19 protocols na kailangan sundin.
Sinabi ni Pialago na pumapalo sa humigit kumulang 50 sasakyan araw-araw ang kanilang namataang dumadaan sa kahabaan ng EDSA sa mga nakalipas na araw.
Madalas na idinadahilan aniya ng mga pasaway na motoristang ito ay ang mahabang pila sa mga pamilihan ng essential goods kaya kailangan nilang magtungo sa ibang lugar para makapamili ng mga kakailanganin sa gitna ng Luzon-wide lockdown.
Mababatid na sa sinuspinde ang mass transportation nang isinailalim ang buong Luzon sa enhanced community quarantine upang sa gayon ay maiwasan ang pagkalat pa lalo ng COVID-19 infection.