-- Advertisements --

Magpapatupad ng city-wide liquor ban ang pamahalaang lungsod ng Quezon City sa darating na Lunes, Hulyo 27, kasabay ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Batasang Pambansa.

Ayon sa Quezon City LGU, epektibo ang liquor ban mula alas-12:01 ng madaling araw hanggang alas-6:00 ng gabi upang makatulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lungsod.

Nauna na ring inanunsyo ng lokal na pamahalaan ang suspensyon ng klase sa lahat ng antas, sa pampubliko at pribadong paaralan, sa parehong araw.

Layunin nitong mabawasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko at mabigyan ng pagkakataon ang publiko na masubaybayan ang talumpati ng Pangulo.

Samantala, tiniyak naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na mahigit 20,000 pulis ang ipakakalat upang matiyak ang seguridad ng mga dadalo at ng publiko sa panahon ng SONA.