Ipinagbawal ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga inuming nakalalasing paputok o fireworks sa araw ng traslacion
o taunang prusisyon ng Itim na Nazareno sa Enero 9.
Ang liquor ban ay magsisimula mula Enero 8 hanggang 10, batay sa Executive Order No. 1 Series of 2024 ni Mayor Honey Lacuna-Pangan.
Ayon kay Mayor Honey, ang pagbebenta ng mga inuming nakalalasing ay ipagbabawal sa loob ng 500-meter radius ng Quiapo Church at St. John the Baptist Church.
Ipinag-utos din ng Alkalde ang pagbabawal sa paggamit, pagbebenta, paggawa at pamamahagi ng mga paputok at iba pang pyrotechnic device sa Maynila mula Enero 8 hanggang 9, ayon sa kanyang Executive Order No. 2 Series of 2024.
Pinayuhan din ng pamahalaang lungsod ang mga motorista na iwasang dumaan sa mga kalsadang magiging bahagi ng ruta ng traslacion na karaniwang tumatagal ng halos isang araw.
Bahagi ng Bonifacio Drive, Katigbak Drive, South Drive, Roxas Boulevard, P. Burgos street, Finance Road, Ma. Orosa street, Taft Avenue, Romualdez street, Ayala Boulevard, Carlos Palanca street, P. Casal street, Legarda street, Quezon Boulevard at ang westbound lane ng España Boulevard ay isasara simula alas-9 ng gabi. sa Enero 8 hanggang Enero 9.