CAUAYAN CITY- Ikinalungkot ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO) 1 ang pagkasawi ng isa nilang line man matapos na makuryente habang nagkakabit ng cut out sa isang electric post sa barangay San Fermin, Cauayan City.
Ang biktima ay si Russel Flores, 36 anyos, may asawa, lineman ng ISELCO 1 at residente ng Dalenat, Angadanan, Isabela habang ang suspect ay si Jayson Orena, 28 anyos, binata, welder at residente ng Tandol, Cabatuan, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Foreman Jose Rey Alvares, unang nagpaalam ang kanilang mga lineman sa lugar na pansamantalang magkakaroon ng power interruption dahil ibababa ang primary transformer upang mailagay ang cut out at pumayag naman ang pamunuan ng naturang lugar.
Tumawag pa aniya ang project supervisor para sabihin na nasa lugar na ang kanilang mga linemen.
Gayunman ilang minuto lamang matapos na makaakyat ang biktima ay nakarinig ng pag-andar ng generator ang mga kasamahang lineman ni Flores at kasabay na rin ng pagkakuryente ng biktima na nagkakabit ng cut out.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Roger Jose, area manager ng ISELCO 1, isang malungkot na balita para sa kanila ang naturang insidente.
Aniya, well trained ang kanilang mga line man at may mga programa sila pagdating sa occupational safety and health at laging napapaalalahanan ang kanilang mga tauhan na mag-ingat dahil mapanganib ang kanilang trabaho.
Dahil dito, hiniling ng ISELCO 1 ang partisipasyon ng mga member consumer para naman sa kaligtasan ng kanilang mga tauhan.
Si Flores ay labing isang taon na bilang lineman ng ISELCO.
Nagbigay naman sila ng pinansyal na tulong sa kanyang pamilya at magbibigay din ng legal assistance para sa pagsasampa ng kaso sa suspect.