CAUAYAN CITY – Nag-organisa ng fund raising activity ang iba’t ibang pribadong sektor pangunahin na ang ilang grupo ng kabataan para sa mga naapektuhan ng malawakang pagbaha sa Ilagan City, Isabela.
Bukod sa ayuda mula sa pamahalaang lungsod ay mayroon na ring mga grupo ang nagtungo sa mga barangay sa lunsod para sa relief distribution.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Belmer Dagdag, nanguna sa grupo ng mga kabataan na naglunsad ng proyektong “Limang Piso para sa mga Ilagueño”, layunin ng kanilang proyekto na makapaghandog ng kaunting tulong sa mga residente.
Ito ay upang maibsan ang lungkot lalo pa at papalamit na ang araw ng Pasko.
Pinapayuhan naman ang mga residente na tiyaking mapupunta sa tama ang kanilang donasyon.
Ayon sa pamahalaang lungsod, makipag-ugnayan muna sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ang mga gustong magsagawa ng Relief Operation upang matukoy ang mga barangay na pagbibigayan ng tulong.
Kailangan ding tiyakin na ligtas ang lahat sa banta ng COVID-19 at magsuot ng face mask at face shield.