-- Advertisements --

Bawal ng dumaan sa national roads sa National Capital Region ang light electric vehicles gaya ng e-bikes at e-trikes gayundin ang tricycles epektibo sa Abril 15 ayon sa anunsiyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong araw.

Ito ay kasunod ng isinagawang pagpupulong ng MMDA sa pangunguna ni Acting Chairman Atty. Don Artes kaugnay sa pagbalangkas ng implementing rules and regulations sa pagbabawal ng e-vehicles sa rehiyon.

Ang mga national roads na saklaw sa ban para sa e-vehicles at tricycles ay ang sumusunod:

R1: Roxas Boulevard
R2: Taft Avenue
R3: SLEX
R4: Shaw Boulevard
R5: Ortigas Avenue
Ro: Magsaysay Blvd/Aurora Blvd.
R7: Quezon Ave./ Commonwealth Ave.
R8: A. Bonifacio Avenue
R9: Rizal Avenue
R10: Del Pan/Marcos Highway/McArthur Highway
C1: Recto Avenue
C2: Pres. Quirino Avenue
C3: Araneta Avenue
C4: Epifanio Delos Santos Avenue
C5: Katipunan/C.P. Garcia
C6: Southeast Metro Manila Expressway
Elliptical Road
Mindanao Avenue
Marcos Highway

Kung matatandaan, una ng inaprubahan ng Metro manila Council sa pamamagitan ng MMDA ang isang resolution na nagbabawal sa mga e-vehicles na bumagtas sa major roads sa NCR.

Ang mga mahuhuling lalabag ay pagmumultahin ng hanggang P2,500. Kailangan na ding kumuha ng lisensiya sa pagmamaneho ang mga motorista na nagmamaneho ng electric powered motor vehicles at tricycles. Ang mga mahuhuling walang lisensiya ay magreresulta ng pag-impound sa kanilang sasakyan.

Ang pagbabawal sa mga e-vehicles sa national roads ay sa hangaring mabawasan ang trapiko at road crash incidents. Base kasi sa datos ng MMDA noong 2023, nasa kabuuang 554 ang aksidenteng naitala sangkot ang electric vehicles.